Friday, December 16, 2011

Ang SPAM Na Hindi Masarap

A blog from Definitely Filipino and Virtual Pinoy*

Disclaimer: Hindi po. Wala itong kinalaman sa international counterpart ng “Maling”. At wala rin akong computer-related degree. Kaya kung may nahanap kang inappropriate tech jargon, pasensya ka na. Kung gusto mo ng mga accurate terms mula sa nasabing larangan, wala dito nun. Umuwi ka na lang sa bahay niyo at ngumuya ng diskette. Ay, obsolete na pala sila. Sorry. Ngatain mo nalang ang USB flash drive. 



Maria Anghela Rosaryo. Kilala mo din siya. Ang “friend” mo sa Facebook na mahilig mag-share ng mga religious posts. Bible verses, quotes for humanity, kind messages at kung ano ano pa. Walang masama dun. Kung sumasalamin ba ito sa totoong pagkatao niya, ay hindi ko alam. Pero kung sakaling makita mo siya sa Newsfeed tab mo isang araw, na nagpost ng mga “maiinit” na larawan o video ng isang lalake at babae na tila bida sa “mating season” special ng National Geographic Channel, wag mo agad husgahan. Malamang nabiktima lang din siya ng kumakalat na spam o worm o virus (kung ano man ang tawag sa ka-lechehan na yan) sa FB, kung saan, automatic na nagpo-post ito ng pornographic content sa iyong wall ng hindi mo nalalaman. Wag mo naman siyang i-nominate sa CBCP upang i-ekskomunikado o pagbalakan na batuhin ng patatas hanggang mamatay. Kalma lang.

Hindi ko alam kung ilang litrong tubig kanal ang nainom ng mga taong gumagawa ng ganitong kalokohan. Di mo mapagtanto kung bored lang ba, nasobrahan sa talino o malaki ang galit sa mundo dahil madalas may langgam ang naisusuot niyang underwear. Pero, lihis muna tayo sa kanila. Ang tanong dito ay, paano ba kumakalat ang mga spam o worm o virus (muli, kung ano man ang tawag sa ka-lechehan na yan)? Yung mga gumawa lang ba ang dapat sisihin? O pati ang mga trigger happy netizens?

Dahil mukhang hindi sapat ang napaka witty one liner campaign na “Think Before You Click”, heto ang mga masalita at masalimuot na payo:

1. Wag basta i-open ang mga link na nagsasabing dito mo makikita ang pictures ng bangkay ni Bin Laden o larawan ng mga nalagas na buhok ni P’noy. Karamihan sa mga spam na ito ay gumagamit ng sikat na personalidad para mauto ka. Kung gusto mo ng tunay na balita, maraming news-based websites. Wag mong paikutin ang iyong mundo sa Facebook.

2. Iwasan ang pag-add ng mga di kilalang tao bilang “friend” sa mga social networking sites. Minsan kasi, di naman talaga sila totoong nilalang, kundi mga drones na sadyang ginawa para magpakalat ng mga pictures o videos na may malicious content. Hindi porket kamukha siya ng crush mo dati o dahon ng bayabas lang ang nakatakip sa kanyang maselang bahaghari, sa profile picture, ay dapat mo na siyang idagdag sa friends list mo. Hindi rin ito sukatan ng pagiging pala-kaibigan o popularidad. Pero maaari itong maging batayan ng pagiging engot.

3. Iwasang maging utak-chicharon. Huwag i-click ang isang picture o video dahil lang sa ang title nito ay “YOU’VE GOTTA SEE THIS” o “TRULY AMAZING, WATCH NOW”. Para kang isda na lumapit sa pating dahil sinabi nitong “Di kita kakainin. Vegetarian ako, promise”.

4. Maging mapanuri sa gagamiting add-ons. Ito yung mga maliliit na applications na may ibat-ibang special functions. Halimbawa, sa FB, meron daw app para makita mo ang mga taong nag-delete sayo bilang friend o para malaman kung sino sino ang tumingin ng profile mo. Karamihan sa kanila, spam din. Sabi ko na nga ba, nakakasama talaga ang pagiging maarte. At bakit mo naman gustong malaman kung sinong nag-delete sayo? Para maghiganti at tapunan ng jerbaks ng aso ang tapat ng gate nila?
5. Hindi porket libre ay kailangan patusin. “FREE LOAD IF YOU CLICK THIS”. “CLICK THIS FOR 1 MONTH SUBSCRIPTION ABSOLUTELY FREE”. Tandaan, sa panahon ngayon, bihira na ang libre. At kung meron man, malamang sandamakmak na instructions ang kelangan mong sundin. Magduda kung makukuha mo ito sa isang click lang ng mouse. At isa pa, kung may estranghero na magbigay sayo ng isang platitong siomai, kakainin mo ba?

6. Sex daw ang pinaka mabentang konsepto. Kaya kahit sa pagpapakalat ng spam o virus e ginagamit ito. Kaya please lang, wag mo namang i-open ang isang video na nagsasabing scandal ni Anne Curtis o hubad na larawan ni Bella Flores. Kung sakaling di mo mapigilan ang iyong mga makamundong pagnanais, maraming website para dyan. Wag ka nang mandamay ng iba.

7. Wag din basta mag-open ng mga private messages kung hindi mo kilala ang nag-send. Baka virus yan. Wag din i-open kung galing ito sa ex mo na nagkukunwaring may pagtingin pa sa iyo pero nagpaparamdam lang tuwing kailangan ng mauutangan. Virus din siya.

8. Wag basta-basta magpadala sa takot. Wag mong i-click ang link upang mailigtas ka sa napipintong paniningil daw ng Facebook o pagkabura ng iyong account. Wag mo lang basahin at paniwalaan agad ang mga mensahe. Mag-isip ka naman. Kaya ka nga binigyan ng utak at inilagay ito sa loob ng bungo. Kung hindi mo ito gagamitin, sana leche flan nalang ang binigay sayo, sa loob ng styro.

9. Kung sakaling nabiktima ka na, sabihan at bigyan ng babala ang iba. Hindi porket nadale ka ng spam e gusto mo sila din. “DAMAY-DAMAY NA TO!!!”. E di mas lalo lang kumalat ang bwaka ng inang yan.

10. Ang internet, kasama na ang mga social networking sites, ay puno ng mga di kanais-nais na elemento. Maging maingat at alerto. I-share lamang ang mga bagay na may katuturan at positibong epekto. Tulad na lang ng article at page na ito.

©Copyright 2011, Definitely Filipino. All rights reserved. Unless otherwise stated, all articles in this blog are opinions of their respective authors and not necessarily of Definitely Filipino and its staff.


*{http://definitelyfilipino.com/blog/2010/10/08/blogging-matters/}


So Vulpy be careful ha?? :D

ShareThis